Naungkat muli ang posibilidad na nagmula sa Wuhan Institute of Virology, na nasa ilalim ng Chinese Center for Disease Control and Prevention o CDC ang COVID-19.
Ito’y makaraang ihayag ni Dr. Peter Ben Embarek, isa sa mga sayantipikong ipinadala ng WHO sa Wuhan upang imbestigahan ang COVID-19 origins, na may safety issues ang nasabing pasilidad.
Aminado si Embarek, WHO expert sa animal-to-human disease transmission, na nangamba siya sa safety standards sa CDC laboratory na malapit lamang sa huanan seafood market kung saan unang na-detect ang unang human cases ng COVID-19.
Ang Wuhan Institute of Virology ang pangunahing pasilidad sa pag-aaral ng coronaviruses, subalit maaaring wala anyang mataas na “level of expertise” ang mga staff nito.
Bagaman iginiit ng China na sapat na ang isang imbestigasyon, inihayag ni WHO Chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na dapat maging transparent ang Chinese government at maging bukas sa posible pang imbestigasyon.
Nilinaw ni Ghebreyesus na hindi pa nila isinasantabi ang posibilidad na laboratory leak o aksidente ang sanhi ng pagkalat ng COVID-19.—sa panulat ni Drew Nacino