May panibagong gimik na ang mga kandidato para makapamili ng boto ilang buwan bago ang nalalapit na eleksyon sa susunod na taon.
Ayon mismo kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista, tila ginagawa nang installment o utay-utay ang vote buying partikular na sa lokal na posisyon.
Ang siste ani Bautista, nagbibigay na ng paunang bayad ang mga pulitiko sa mga botante kapalit ang kanilang pagpaparehistro habang ang nalalabi naman ay ibibigay kapag sila’y naiboto na sa pagsapit ng eleksyon.
Ginawa ni Bautista ang pahayag kasunod ng mga ulat na kanilang natatanggap mula sa kanilang regional field offices lalo na sa mga lugar na maiinit ang pulitika.
Gayunman, aminado si Bautista na mahirap patunayan ang mga balitang natatanggap ng kanilang mga field officer lalo’t wala silang pinanghahawakang katibayan at mangangailangan ito ng ibayong pagsisiyasat.
By Jaymark Dagala