Tinatayang aabot sa halos 5 at kalahating bilyong pisong halaga ng extortion money ang nakubra ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA sa unang tatlong taon pa lamang ng Adminsitrasyong Duterte.
Ito ang iniulat ni National Intelligence Coordinating Agency o NICA Director General Alex Paul Monteagudo sa isinagawang virtual press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Ayon kay Monteagudo, pinakamalaki sa nabanggit na halaga ng mga nakolektang extortion money ng mga komunista ay nagmula sa mga Mining company na nagkakahalaga ng P3 bilyon.
Mahigit P800 milyon naman ang nakuha ng mga rebelde mula sa mga may-ari ng palaisdaan, mahigit P700 milyon naman mula sa mga construction companies (maliban sa mga kumpaniyang may malalaking proyekto sa gobyerno).
Mahigit P300 milyon ang mula sa Transportation companies at mahigit P13 milyon naman sa mga TelCo habang P150 milyon ang mula sa iba’t ibang mga kumpaniya.
Aabot aniya sa mahigit P76 milyon ang naibigay ng mga pulitiko sa mga komunista bilang extortion money noong 2019 elections, habang P121 milyon naman ang nasabat sa mga mayayamang personalidad.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)