Inamin ng PhilHealth na nagkulang sila kaya’t nabinbin ang pag-iisyu ng memorandum circular na may kaugnayan sa pag asikaso sa COVID-19 claims ng mga ospital.
Ang pag amin ay ginawa ni PhilHealth acting executive vice president at Chief Operating Officer Eli Dino Santos ..sa pagdinig ng house committee on health kaugnay sa resolusyon na nagpapa imbestiga sa kalituhan na idinulot ng issuance ng state health insurer ng circular hinggil sa pag-avail ng COVID-19 related benefit package.
Sinabi ni Santos kay Committee Chair Angelina Helen Tan na maraming dahilan at pangyayari na dapat ikunsider sa delays partikular na sa memorandum circular para sa pagbabayad ng probable cases bilang intermediate package.
Lumabas sa pagdinig na Nobyembre 2020 pa inilabas ng PhilHealth board ang kanilang resolution subalit Hunyo 2021 lang nang mailabas naman ang memorandum circular para rito.
Kinuwestyon din ni Tan ang pagiging retroactive ng bisa ng memorandum circular sa halip na proactive ang PhilHealth sa kanilang mga hakbang dahil umaaray na ang mga apektadong ospital.
Hindi aniya katanggap tanggap na inabot ng pitong buwan ang PhilHealth na mailabas ang circular lalo pat batid nito kung gaano katagal ang pag apela ng mga ospital at pahirap din ito sa mga pasyente sa kasagsagan ng pandemya.
Binanggit din ni Santos ang hinggil sa fraudulent claims.