Bumaba ang bilang ng mga binakunahan kontra COVID-19 nitong nakaraang linggo sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at ECQ sa NCR at MECQ sa ilang lalawigan.
Umaabot lamang sa 475,304 kada araw ang naturukan mula Agosto 9 hanggang 15 kumpara sa 516,601 noong Agosto 2 hanggang 8.
Ayon kay vaccine czar, secretary Carlito Galvez, ang dahilan ng pagbagal ng vaccination ay ang pagkaabala ng mga lokal na pamahalaan sa pamimigay ng serbisyong medikal sa mga COVID-19 positive patient.
Tumutugon din aniya ang mga LGU sa pamamahagi ng ayuda sa kani-kanilang mga mamamayang apektado ng lockdown.
Halimbawa na lamang sa Navotas City kung saan nagbawas ng vaccination team makaraang magpositibo ang ilang healthworker kaya’t nalagasan ng 700 kada araw ang nababakunahan.
Sa Marikina City naman, bumaba sa 10,000 ang target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ng unang dose.—sa panulat ni Drew Nacino