Aminado ang Philippine Association of Meat Processors, Inc. o PAMPI na talagang nakasasama sa kalusugan ng tao ang pagkain ng karne.
Ito’y kasunod na rin ng babala ng World Health Organization o WHO na nakapagdudulot ng kanser ang labis na pagkonsumo ng sausage, ham, mga processed meat at red meat.
Subalit, sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PAMPI Executive Director Francisco Buencamino na lahat naman ng sobra lalo na kapag processed meat ang kinain ay masama sa katawan.
Gayunman, pinag-aaralan na ng PAMPI ang ipinalabas na pag-aaral ng WHO o World Health Organization na maaaring maging sanhi ng cancer ang pagkain ng processed foods tulad ng hotdog, bacon, sausages at maging ng red meat.
Ayon kay Buencamino, nais muna nilang malaman kung ano ang naging basehan ng ginawang pag-aaral ng WHO.
Mahalaga rin anyang malaman nila kung ano ang motibo ng ginawang pag-aaral dahil batay sa pahayag ng isang Cancer Research Group sa England, masyadong tinorture ng WHO ang mga datos para may maipalabas na eksaktong findings.
“Dapat siguro pag-aralan muna kung papano ginawa yung study because ang sinabi ng Cancer Research England is that masyado daw tinorture yung data para may maipalabas na specific findings, which means na mukhang ginawa yung study for specific purpose.” Ani Buencamino.
Kumbinsido naman si Buencamino na mas nababagay sa mga nasa kanluran tulad ng Amerika ang paalala ng WHO dahil mas malakas ang kanilang konsumo sa processed foods kumpara sa Pilipinas.
“Kalabisan na yung walang maidudulot na mabuti, sinabi doon ay yung percentage kung yan lang ng yan ang kinakain mo maaaring over a period of time ay magkakaroon ka ng colorectal cancer, ang insidence naman ng cancer kamukha dito sa Pilipinas , there is much less percentage of colorectal cancer than there is in America, because in America wala silang kanin masyado at di sila mag-gulay.” Pahayag ni Buencamino.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita