Bigo pang makapagbigay ng rekomendasyon sa ngayon ang mga alkalde sa Metro Manila hinggil sa kung ano ang susunod na magiging quarantine classification sa rehiyon.
Ito ang inanunsyo ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos makaraan ang naging pagpupulong ng mga Metro Mayor sa harap ng napipintong pagtatapos ng dalawang linggong enhanced community quarantine sa Biyernes.
Ayon kay Abalos, ipinauubaya na nila sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagpapasya base sa datos na ipalalabas ng mga eksperto.
Kahit ano aniya ang mapagpapasyahang quarantine status ng IATF sa NCR, sinabi ni Abalos na tuloy pa rin ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga ginagawa tulad ng massive vaccination, testing, contact tracing, isolation at treatment.
Bagama’t batid naman ng Metro Mayors na may pagtaas pa rin sa bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, sinabi ni Abalos na kailangan pa ring balansehin ang kalusugan ng lahat at ang ekonomiya na siyang kinakailangan din ng publiko.—sa panulat ni Rex Espiritu