Dapat masiguro na maibibigay ang mga benepisyo at ayuda sa Overseas Filipino Workers o OFWs na ililikas mula sa Afghanistan.
Ayon kay Senador Sonny Angara, sa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Act of 2016, may maaasahang fallback ang OFWs na magbabalik-bansa mula sa Afghanistan.
Nakapaloob din dito ang pagbibigay ng training at seminars, at paghahanap din ng trabahong akma sa kanilang kwalipikasyon.
Tinukoy rin ni Angara na may provision din sa batas para sa mababang interest na pautang ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines sa repatriated OFWs.
Ang mga dependents at benepisyaryo naman ng OFW ay bibigyan din ng educational assistance.
Nasa batas din aniya ang pagkakaloob sa mga ito ng airport assistance, pansamantalang matitirhan o OWWA halfway house, at pantustos sa kanilang pagbiyahe.
Bukod dito ay may benepisyo rin na maaring tumaas hanggang P200,000 para naman sa OFW na masasawi o magtatamo ng pinsala.— ulat mula kay Cely-Ortega Bueno (Patrol 19) sa panulat ni Hya Ludivico