Tiniyak ng Philippine National Police o PNP ang kahandaan nito na tumulong at umalalay upang sigurihing maayos ang takbo ng voter’s registration sa bansa.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay bilang paghahanda para sa nalalapit na National at Local Elections para sa susunod na taon.
Ayon kay Eleazar, mahalagang masigurong maayos ang takbo ng voter’s registration lalo na ngayong panahon ng pandemiya kung saan, dapat masunod din ang mga health at safety protocols.
Inatasan na rin ng PNP Chief ang kaniyang mga police unit commander na magkasa ng balanse at istratehikong mga hakbang sa pagpapakalat ng kanilang mga tauhan dahil maliban sa voter’s registration ay nakatutok rin sila sa mga vaccination center.
Epektibo ang pinalawig na voter’s registration sa susunod na lunes, Agosto 23 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi kasama na ang holidays salig na rin sa desisyon ng COMELEC.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)