Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang Militar matapos maka-engkuwentro ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army o NPA sa Negros Occidental.
Ayon kay Capt. Cenon Pancito, Public Affairs Office Chief ng Army’s 3rd Infantry Division, nangyari ang bakbakan sa Hacienda Remunda, Brgy. Kapitan Ramon sa Lungsod ng Silay.
Matatandaang kaninang alas-6 nang umaga sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng nasa 10 hinihinalang rebelde na tumagal ng 35 minuto.
Nagresulta iyon sa pagkasawi ng isang sundalo habang dalawa ang nalagas sa panig ng mga kalaban.
Nakatakas ang mga rebelde subalit nakuha ng militar sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M-16 rifle na naiwan ng isa sa mga kadre.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)