Patuloy na pinaalalahanan ng Philippine National Police o PNP ang mga working APORs o Authorized Persons Outside of Residence pa rin lang ang papayagan sa interzonal travels.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay kahit pa ibinaba na sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang Metro Manila dahil sa patuloy na pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Eleazar, bagama’t mas marami nang negosyo ang maaari nang magbukas ngayong panahon ng MECQ, kailangan pa rin nilang higpitan ang borders ng bawat lungsod sa NCR gayundin ang papasok at palabas nito upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Kasunod nito, sinabi pa ng PNP Chief na ipinauubaya na nila sa iba’t ibang mga Local Government Unit o LGU sa NCR ang pagpapasya kung mangangailangan sila o hindi ng quarantine pass para sa mga lalabas ng bahay para bumili ng pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Gayunman, habang hinihintay pa ang pasya ng Metro Manila Mayors ay ipatutupad pa rin ng PNP ang tiny bubbles principle kung saan ay hindi nila papayagan sa interzonal travel iyong mga consumer APOR na lumabas sa kanilang lugar kung maaari naman nilang makuha doon ang kanilang pangangailangan at serbisyo.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)