Naniniwala si highland promotions manager Brico Santig na kumupas na ang dating bagsik ni Senador Manny Pacquiao sa ibabaw ng ring.
Ayon kay Santig, nabigo si Pacman na ilabas ang dating husay sa boxing nang matalo kay Yordenis Ugas ng Cuba via unanimous decision para sa WBA super world welterweight title sa Las Vegas, Nevada, USA.
Hindi naman aniya bumabata si Pacquiao bukod pa sa dalawang taon itong nagpahinga sa boxing at higit sa lahat ay mas bata sa kanya ng pitong taon ang Cuban fighter na naging bentahe naman nito sa laban.
Samantala, kumbinsido si referee-judge Silvestre Abainza na ang pagkatalo kay Ugas ay isang malinaw na senyales na kailangan ng ikonsidera ng pambansang kamao ang pagreretiro.
Ang pagkatalo ng people’s champ ang ika-walong kabiguan nito sa loob ng 72 laban kung saan nakapagtala siya ng 62 panalo kabilang ang tatlumpu’t siyam na knockouts. —sa panulat ni Drew Nacino