Labis na ipinagpasalamat ng pamilya ng 2 nasawing New People’s Army (NPA) sa militar ang inisyatibong mabigyan ng isang maayos at marangal na libing ang kanilang mahal sa buhay.
Ito’y sa kabila ng nangyaring bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng Pamahalaan at ng mga Rebelde sa Bontoc, Southern Leyte kung saan, isa ring sundalo ang nagbuwis ng buhay.
Ayon sa pamilya ng mga nasawing NPA na sina Ambrocio Gortiano Lamadora alias Ihid/Rino at Josue Libres, hindi pa rin itinuring na kalaban ang kanilang mga minamahal sa buhay sa kabila ng pagkakaiba ng prinsipyo, sa halip ay nanaig pa rin ang pagiging pilipino sa bawat isa.
Sa panig naman ni BGen Zosimo Oliveros, Commander ng 802nd Infantry Battalion ng Philippine Army, ginawa nila ang hakbang bilang pagpapahalaga sa buhay ng mga Pilipinong nalilinlang ng maling paniniwala.
Kasunod nito, binigyang diin ni Oliveros na dahil sa ginawa nilang paglilibing sa 2 rebelde, nagpapatunay lang ito na walang pagpapahalaga sa kanilang mga kasamahan ang CPP-NPA at tanging layunin nito ay pabagsakin ang Pamahalaan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)