Isang “disloyalty complaint” ang nakatakdang kaharapin ni Senador Manny Pacquiao dahil sa umano’y paglabag nito sa konstitusyon ng PDP-Laban na posibleng maging dahilan nito para tuluyang matanggal sa partido.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, Executive Vice President ng partido, may susundin namang due process kaya naman binibigyan ang kampo ni Pacquiao ng panahon para makapagpaliwanag.
Pwede aniyang sagutin ni Pacquiao ang alegasyon at ipagtanggol ang kaniyang sarili sa gagawing pagdinig bago ito madesisyunan.
Nagsimula ang hidwaan sa partido matapos mahalal si Pacquiao bilang presidente ng partido noong Disyembre nang hindi umano nalalaman ng Chairman ng partido na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sumunod ay tumatanggi nang dumalo si Pacquiao ng Executive Council Meeting kung saan hinihimok ng mga miyembro ng partido si Pangulong Duterte na tumakbo bilang vice president sa darating na halalan.