Ipinakita ng Pilipinas at Amerika ang pagiging committed nito sa kanilang alyansa at handang magsanib puwersa upang ipagtanggol ang isa’t isa.
Ito ang buod ng mensahe ni US Indo-Pacific Command Chief Adm. John Aquilino sa kaniyang pagbisita sa bansa kaalinsabay ng ika-70 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Ayon kay Aquilino, hindi matatawaran ang matatag na relasyon ng Pilipinas at Amerika pagdating sa aspeto ng Hukbong Tanggulan gayundin ang pagtataguyod na rin ng Kapayapaan at Katatagan sa rehiyon ng Asya Pasipiko.
Una riyan, nagkaroon ng pagkakataong makipagpulong si Admiral Aquilino sa matataas na opisyal ng Pilipinas tulad nila Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr, Defense Sec. Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines o AFP Inspector General na si Lt/Gen. Franco Nemesio Gacal.
Si Gacal ay kumatawan para kay AFP Chief of Staff Gen. Jose Faustino Jr na una nang nagpositibo sa COVID-19 kahapon bagaman nagsabi na ito na hindi siya liliban sa trabaho at mananatiling in-command sa buong AFP.—ulat mula kay JaymarkDagala (Patrol 9)