Delta variant na ang dahilan ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 ngayon sa bansa.
Ito’y ayon kay Dr. Ted Herbosa, NTF COVID-19 Adviser, batay na rin aniya sa resulta ng genome sequencing nitong nakaraang linggo kung saan lumabas na 62% ng samples ay natukoy na Delta variant.
Ani Herbosa, ito ang dahilan kaya may mga lumalabas na projections na posibleng sumipa ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa isang araw ng 20,000 hanggang 30,000.
Gayunman, sinabi ni Herbosa na sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, hindi naman ganun karami ang bilang ng namamatay at mas marami din ang nakakarekober sa sakit.
Nakikita rin umano sa sitwasyon ngayon na epektibo ang pagpapabakuna kontra COVID-19.
”If you know, we have already vaccinated almost 40% yata of Metro Manila. And Metro Manila numbers aren’t, i mean, many are infected pero very few get sick. Diba yun naman ang promise ng bakuna? Ang protektahan ka. Hindi ka naman mape-prevent mahawa, pero kung mahawa ka, you will only get mild disease. So i think 70% of those who are in the ICU are mga unvaccinated,” ang pahayag ni Dr. Ted Herbosa, NTF COVID-19 Adviser sa panayam ng DWIZ.