Sinibak sa puwesto ang Chief of Police ng Kawit Municipal Police Station sa Cavite makaraang matakasan ng tatlong preso kahapon ng hapon.
Batay sa inilabas na kautusan ni Police Regional Office 4-A o CALABARZON PNP Director P/BGen. Eliseo Cruz, agad ililipat sa Regional Headquarters si P/Maj. Joel Palmares at ang bantay ng piitan nang mangyari ang jailbreak na si P/SSgt. Ryan De Guzman.
Sa ulat ng Cavite Provincial Police Office, dakong ala-6:30 kagabi, habang nag-iinspeksyon si SSgt. De Guzman sa Kawit Custodial Facility ay napansin nitong tungkab na ang kandado ng kulungan at wala na ang tatlong preso.
Kinilala ang mga ito na sina Tristan Antonio, nahaharap sa kasong Theft, Jonjon Esquillo Cortesano, nahaharap naman sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at Rhino Reyes na may kasong Carnapping.
Dahil dito, pansamantalang papalitan si Palmares ng Deputy Chief of Police na si P/Insp. Mark Englatera bilang Officer-in-Charge.
Sumuko kalaunan si Reyes habang kasalukuyan pa ring tinutugis ang dalawa pa niyang kapwa preso na nakatakas. —sa panulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)