Nasagip ng mga awtoridad ang isang 12 taong gulang na biktima ng hostage sa lungsod ng Caloocan.
Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang hostage taking alas-7:15 ng gabi nitong Sabado, Agosto 27 sa kahabaan ng C3 Road.
Mababatid na naipaabot sa mga awtoridad ang insidente, matapos na tumawag ang isang concerned citizen at agad namang nirespondehan ng mga kawani ng Caloocan City Police.
Naabutan ng mga ito ang suspek na si Anthony Ramos, 32 taong gulang na hawak ang 12 taong gulang na biktima bilang hostage.
Matapos ang negosasyon sa panig ng mga awtoridad, ay natapos ang hostage taking ganap na alas-8:10 ng gabi.
Agad namang dinala ang menor de edad na biktima sa Caloocan City Medical Center para sumailalim sa physical check-up habang dinala naman ang suspek sa tanggapan ng pulisya para sa karagdagang pagtatanong at kaso.
Samantala, narekober sa suspek ang isang kutsilyo na ginamit sa panghohostage.