Nanawagan ang pamunuan ng National Privacy Commission (NPC) sa mga fully vaccinated na ng bakuna kontra COVID-19 na iwasang i-post online ang kanilang mga vaccination card.
Ito’y dahil naglalaman ng personal at sensitibong impormasyon gaya ng buong pangalan, address, araw ng kapanganakan, brand ng bakunang itinurok at iba pa.
Giit ng NPC, na posible itong pagmulan ng ‘identity theft’ at iba’t iba pang klase ng scam online.
Bagamat naiintindihan ng NPC ang pag-upload ng mga ito ng ating kababayan, payo nila kung hindi maiiwasan na-i-post online ay siguruhing takpan o tanggalin ang mga sensitibong impormasyon para maiwasang mabiktima ng mga scams na nagsulputan ngayong may pandemya.
Kasunod nito, ay nagpaalala rin ang NPC na maging responsable sa paggamit ng social media lalo na sa ginagawang pag-se-share at pag-tag ng mga post.