Hindi kukonsintihin ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang kanilang mga bastos at abusadong kasamahan.
Ito ang pagtitiyak ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng nakarating na reklamo sa kaniya laban sa isang Pulis sa Valenzuela City na nagwala at nagbanta sa Nurse at Security Guard ng isang ospital duon.
Pasado alas-10 kagabi nang samahan ng kaniyang misis si Pat. Angelo Abalos sa Valenzuela Emergency Hospital dahil sa nakararanas ito ng high blood pressure.
Subalit sa triage area pa lamang ay tila nagmamadali na ang Pulis na si Abalos at parang VIP na nais maasikaso ng mga staff ng ospital kahit marami pang pasyente ruon ang naghihintay.
Dahil sa tagal ng paghihintay, hindi na napigil ni Abalos ang magpakilalang pulis subalit hindi pa rin iyon umubra sa mga tauhan ng ospital kaya’t duon na sumabog ang galit nito, pinagmumura ang nurse at security guard sabay bitaw ng kaniyang bantang pagbaril sa mga iyon.
Bunsod ng matinding takot, ipinagbigay alam ito ng mga tauhan ng ospital sa mga opisyal ng Barangay at Pulis kaya’t agad siyang inaresto na ngayo’y pinagpapaliwanag na.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)