Binatikos ng ilang militanteng grupo ang umano’y mga pakulo ng administrasyong Duterte na layong ilihis ang tunay na isyu ukol sa palpak na COVID-19 response ng gobyerno.
Giit ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, malinaw na isang political show at political circus lamang ang ginagawang pag-iingay ng kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa halalan 2022.
Pilit aniyang pinapalutang ng PDP-Laban ang Sen. Bong Go-President Duterte tandem, tambalang Inday Sara-Digong, at maging ang pag-aaway ng mag-ama sa media.
Binigyang diin ni Gaite na anuman ang nilulutong formula ng mga Duterte para sa darating na halalan ay tiyak na ibabasura ito ng mga Pinoy.
Samantala, ayon naman kay Anakpawis Partylist National President at dating Cong. Ariel Casilao, kahit pa magbigay-daan si Pangulong Duterte sa Davao City mayor ay malabo rin itong kagatin ng mga botante.