Umabot na sa 187 Pilipino ang inilikas ng Department of Foreign Affairs mula Afghanistan sa gitna ng nagpapatuloy na karahasan sa nasabing bansa.
Ayon sa DFA, kabilang sa panibagong inevacuate ang isang Pinoy na dinala sa Doha, Qatar at isa pa sa U.K. habang 24 na iba pa ang naghihintay ng repatriation.
Noong isang linggo ay kinumpirma ng US Armed forces na 13 nilang tropa ang kabilang sa 90 napatay sa suicide bombing sa labas ng Hamid Karzai airport sa kabisera na Kabul.
Kinondena naman ng Pilipinas ang nabanggit na insidente na inilunsad ng teroristang grupong Islamic State.
Samantala, nilinaw ni DFA Secretary Teodoro Locsin na hindi tatanggap ng mga refugee ang Pilipinas kung hindi government-to-government ang magiging proseso.—sa panulat ni Drew Nacino