Nag-positibo sa COVID-19 ang 56 na katao mula nang magkaroon ng limited face to face classes sa tertiary level nitong Enero.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Chair Prospero De Vera na sa 41 sa naturang bilang ay mga estudyante habang ang nalalabing bilang naman ay mga miyembro ng faculty.
Dagdag pa nito, pawang asymptomatic ang lahat ng mga estudyanteng dinapuan ng virus.
Mababatid na ang mga ito ay mula sa mga kursong kinailangang magsagawa ng clinical internship gaya ng mga kursong physical therapist, midwives, nurses at doktor na mahalaga sa pagliligtas ng buhay ng tao.
“Kailangan e, pag hindi natin pinabalik ang mga bata, baka hindi nila makuha yung skills na kailangan. Pag hindi nakapag-clinical internship ang mga kumukuha ng medisina, ang nursing halimbawa, baka hindi nila makuha yung hands-on skill. Ang delikado diya, they are dealing with human lives,” pahayag ni CHED Chair Prospero De Vera sa Laging Handa briefing.