Dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang negosyanteng chinese at dating economic adviser na si Michael Yang matapos madawit sa kontrobersiyal na pagbili ng Department of Budget and Management (DBM) ng overpriced umanong face mask at face shield.
Ayon sa Pangulo, matagal nang nagne-negosyo si Yang sa bansa partikular sa Davao City at hindi rin ito ang negosyanteng pinagkukunan niya ng pera.
“Michael Yang has been in business here in the Philippines for 20 years. Nagumpisa yan dito sa Davao, hindi yan sabihin mo, intsik intsik na kinukunan kayo ng pera. Ano bang reklamo ninyo? Kasi si Michael Yang, negosyante ito… Hindi naman ito sabihin mo nagtatapon ito ng pera. Ano bang? Akala ko ba, let us go to China and invite the investors here? Ayun, nag invest nga. Pero sa panahon sa pandemya, what’s so with that?”
Muli namang ipinagtanggol ni Pangulong Duterte si Yang sa minsan nitong pagkakasangkot umano sa bentahan ng iligal na droga sa bansa.
Inisa-isa rin ng Punong Ehekutibo ang mga issue sa pagbili ng mga kagamitan sa COVID-19 response tulad ng pag-otorisa ng DOH sa procurement service ng DBM upang bumili ng face shields at face masks.
“Hindi nga nila kaya lahat. Wala silang manpower. They would need all the departments, all the agencies, organs of government to really function. Cause they were too busy in the pandemic response. And most of the people are affected with COVID-19,” bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte. —sa panulat ni Drew Nacino