Ikinakasa na ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang patumpatong na reklamo laban sa dating Chief of Police ng Brgy. Tetuan sa Zamboanga City.
Ito’y matapos siyang ireklamo ng pagpapabaya sa tungkulin matapos upuan lang ang mga kasong may kinalaman sa iligal na droga sa kaniyang nasasakupan mula pa noong 2017.
Kinilala ni CIDG Director P/BGen. Albert Ferro ang kabaro na si P/LtC. Nonito Asdai na inaresto sa kaniya mismong tahanan sa Blue Homes Subdivision sa Brgy. Mercedes.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 9 o Zamboanga Regional PNP, bigong kasuhan ni Asdai at ng 7 tauhan nito ang mga nahuli nilang mga drug suspek.
Dahil dito, ipaghaharap si Asdai ng reklamong simple neglect of duty gayundin ng paglabag sa Section 92 ng RA 9165 sa 9 na magkakaibang korte sa rehiyon at sinuspinde na rin ito epektibo ngayong buwan.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)