Hindi na nag-init sa upuan ang mga opisyal ng Office of the President makaraang tapusin agad ng mga mambabatas sa kamara ang kanilang deliberasyon para sa pondo ng naturang tanggapan.
Sa pagsisimula pa lang ng pagdinig, agad inihirit ni Pangasinan Rep. Tyron Agabas na tapusin agad ang deliberasyon sa pondo ng Office of the President na nagkakahalaga ng P 8.2 bilyon para sa susunod na taon.
Sinegundahan naman agad ito ng iba pang mga mambabatas tulad ni Deputy Speaker at BH Partylist Rep. Bernadette Herrera – Dy gayundin ni Quezon City 3rd District Rep. Allan Reyes.
Bagama’t tinutulan ito ng mga miyembro ng Makabayan Bloc sa kamara, nanaig pa rin ang boto ng mga kaalyado ng administrasyon bilang paggalang anila sa ehekutibo bilang co-equal branch ng pamahalaan.