Hindi pa raw natatanggap ng Bureau of Fire Protection o BFP ang delivery ng fire trucks na nabili noong 2015-2017 ng Department of Budget and Management Procurement Service o PS-DBM at ng Philippine International Trading Corporation o PITC.
Sinabi ni BFP Officer In Charge Louie Puracan sa budget hearing ng kamara na ang 28 na fire trucks ay hindi dumating noong 2015 habang 126 iba pa ang hindi rin dumating mula 2016 hanggang 2017.
Binigyang pansin naman ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang 4.1 bilyon para sa parked funds ng BFP sa PS-DBM at PITC.
Ayon kay Zarate, bakit natatambak ang bilyong pondo sa nasabing ahensya.
Paliwanag naman ni DILG Secretary Eduardo Año na simula 2018 inatasan na niya ang BFP na bumili ng sariling fire trucks.—sa panulat ni Rex Espiritu