Nakapagtala rin ng “breakthrough infections” o pagkakasakit ng COVID-19 ng mga fully vaccinated sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Food and Drug Administration, aabot sa 242 na fully vaccinated ang nagkasakit pa rin kabilang ang limang namatay.
Sa kabuuang bilang, 180 ang binakunahan ng Sinovac kung saan apat ang nasawi, 47 na fully vaccinated ng Astrazeneca ang tinamaan din ng COVID, 4 sa mga nabigyan ng Pfizer vaccine habang 11 sa Janssen kung saan isa ang namatay.
Nilinaw naman ni FDA Director-General Eric Domingo na napakaliit pa rin ng mga nasabing bilang kumpara sa kabuuang dami ng mga binakunahan.
Hindi rin anya kataka-takang Sinovac at Astrazeneca ang may pinakamaraming breakthrough cases dahil ang dalawang vaccine ang mga unang ginamit sa bansa na itinurok sa mas maraming tao.
Karamihan din sa mga naitalang kaso ay 18 hanggang 44 anyos at pagdating sa breakthrough mortalities, pawang senior citizens ang tinamaan dahil ang mga ito ang may mas malaking tsansang magkaroon ng severe COVID-19.—sa panulat ni Drew Nacino