Inupakan ng Palasyo ang tila pinapa-uso ni Senador Manny Pacquiao na salitang “plundemic” o plunder sa public funds habang nakikipaglaban ang pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang nangyaring pandarambong sa public funds sa panahon ng pandemya.
Una nang inihayag ni Senador Pacquiao sa pagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee Hearing na ang paggasta ng gobyerno sa COVID-19 response funds ay isang uri ng “plundemic” o plunder.
Nagkaroon na po ng paglilinaw dito ang COA , sa kanyang report sa DOH, hindi po niya sinabi na nagkaroon ng pandarambong, so wala pong plundemic na sinasabi. Ang sinasabi nga po ng COA, nais nilang magkaroon ng linaw kung bakit ang ilang mahahalagang salapi na ibinigay sa DOH ay hindi nga po nagastos, iyan pong clarification na iyan, hindi po ako ang nagsabi niyan, ito po ay nanggaling sa COA,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Roque, hindi na siya nagugulat sa mga banat ng mambabatas dahil bukod sa pandemya ay panahon na rin ng pulitika.
Hindi po ako nagtataka kung iyon ang kanyang pakiramdam. Pero ang totoo po niyan ang problema si delta variant, 3x more infectious at may infectious pa na variant, na alpha variant, so talaga pong dadami ang kaso natin,” pahayag ni Roque.