Nilinaw ng Department Of Health (DOH) na matatagpuan lamang sa iilang lugar ang konsentrasyon ng bagong COVID-19 cases sa National Capital Region at mga karatig lalawigan nito.
Sa Spatio-Temporal Analysis ng DOH sa NCR plus areas at ilang highly urbanized cities sa Metro Manila, nagmula lang sa 11 hanggang 30% ng mga Barangay ang 80% ng bagong COVID-19 infections sa nakalipas na dalawang linggo.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, suportado ng datos ang maliliit na granular lockdowns na ipatutupad sa Metro Manila simula ngayong araw kasabay ng pilot alert level systems kontra COVID-19.
Tila hindi na anya epektibo ang malawakang lockdown dahil karamihan ng mga Pilipino sa NCR ay nakalalabas at nakababiyahe kahit naka-Enchanced Community Quarantine, noong Agosto 10 kumpara sa ECQ noong Abril 2021
Magugunitang inihayag ng pamahalaan na ang mga Local Government Unit na ang magdedesisyon kung ilalagay sa mahihigpit at maliliitang granular lockdowns ang mga piling lugar na may matitinding kaso ng COVID-19.
DOH naman ang magpapasya linggo-linggo kung ilalagay sa alert levels 1-5 ang mga lungsod sa Metro Manila.—sa panulat ni Drew Nacino