Pinagsusumite ni senate minority floorleader Franklin Drilon ang PCOO o Presidential Communications Operations Office ng record ng halos 1,500 contractual employees nito.
Ito ayon kay Drilon ay para maiwasang paghinalaang may pinopondohang troll farms ang gobyerno matapos niyang tanungin ang PCOO sa pagdinig ng panukakang 2022 budget ng ahensya kung ang mga naturang contractual workers ay mga troll.
Sinabi ni Drilon na kakaiba ang nangyari dahil mula sa 3,883 plantilla position sa PCOO, 2,107 pa lang ang napunuan na nangangahulugan aniyang mayroon pang malaking vacancy sa ahensya, subalit nag-hire na ang ahensya ng contractual workers.
Dahil dito, nais ni Drilon na isumite ng PCOO ang pangalan, address , job description at daily time record ng mga naturang contractual worker na susundin naman ng PCOO bagama’t hihingin anito muna ang opinyon ng kanilang leg office kung uubrang isumite ang address ng contractual workers na posibleng paglabag sa data privacy act
Magugunitang pinuna ng COA ang pag-hire ng PCOO ng contractual workers na pinaglaanan nito ng P76-M na budget.-–mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)