Halos 37,000 katao ang nahuling lumabag sa minimum public health standards sa unang tatlong araw ng implementasyon ng granular lockdown sa NCR.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, sa 36,854 na nahuli, kalahati ang binigyan ng warning, 44% ang pinagmulta, at ang iba naman ay dinala sa presinto upang kasuhan dahil sa iba pang paglabag.
Kaugnay nito, inatasan ni Eleazar ang mga pulis na tutukan ang mga lugar kung saan mayroong mga nagtitipon-tipon.
Nasa 244 police personnel naman ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office o NCRPO para bantayan ang mga lugar na nakasailalim sa special concern lockdown.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico