Humirit ng time-out ang mga health care worker ng Ilocos Sur sa pamamagitan ng pagpapapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lalawigan dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Jun Tagorda, Presidente ng Ilocos Sur Medical Society, kabilang sa mga humiling ng 14-day time-out sa pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur ang Ilocos Sur Medical Society, Southern Ilocos Sur Medical Society, Municipal Health Officers, Philippine Nurses Association–Ilocos Sur, Philippine Hospital Association – Ilocos Sur Chapter, Private Hospitals Association at iba pang grupo ng mga doktor.
Kulang, pagod at halos magkasakit na ang mga health care worker dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso at halos puno na rin ang mga ospital.
Sakaling aprubahan ang kanilang hiling, titiyakin niya aniya na magtratrabaho pa rin sila sa kabila ng ipatutupad na lockdown.
Sinabi naman ni Dr. Trina Tabboga Talaga, Chief of Hospital ng Ilocos Sur Provincial Hospital Gabriela Silang na sa ngayon ay pinag-aaralan pa ang hiling na “time-out” ng mga health worker. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico