Aabot sa humigit kumulang 50 mga dating miyembro ng CPP-NPA ang pinabakunahan ng Army’s 4th Infantry Division kontra COVID-19 kasama ang kanilang mga ka-anak.
Ayon kay 4th ID Commander, MGen. Romeo Brawner, ito’y bilang pagtupad sa kaniyang alok na libreng bakuna para sa mga miyembro ng kilusang komunista ngunit kapalit nito ang pagbaba ng kanilang armas.
Nitong nakalipas na linggo lang, 11 dating rebelde at 6 na ka-anak nito ang pinabakunahan ng 88th Infantry Battalion sa Maramag, Bukidnon habang 15 dating rebelde naman sa Claveria, Misamis Oriental.
7 dating rebelde naman ang pinabakunahan ng 75th Infantry Battalion kasama ang dating commander ng sub Regional Sentro de Gravidad sa ilalim ng Westland North Eastern Mindanao Regional Committee sa San Miguel, Surigao del Sur.
Habang 6 na dating rebelde at 4 na ka-anak ng mga ito ang napabakunahan ng 23rd Infantry Battalion sa Buenavista, Agusan del Norte.
Ginawa ni Brawner ang alok matapos magpositibo sa COVID-19 ang 1 nasawi sa nangyaring engkwentro sa Bukidnon kamakailan gayundin ang 14 na iba pang naaresto. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)