Diversionary Tactics ng mga bandidong BIFF at Dawlah Islamiyah, personal na pag-atake at Pulitika.
Iyan ang 3 anggulong pinag-aaralan na ngayon ng Militar hinggil sa nangyaring pagpapasabog sa isang covered court sa Datu Piang, Maguindanao nitong weekend.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Spokesman Lt/Col. John Paul Baldomar, nagmula sa isang Improvised Explosive Device o IED ang sanhi ng pagsabog.
Kalimitang ginagamit aniya sa Central Mindanao ang mga signature bomb kaya’t hindi nila ini-aalis ang posibilidad na pakana ito ng BIFF o Dawlah Ilamiyah para malihis nito ang atensyon sa kanila ng Militar.
May natanggap ding pagbabanta ang isang grupo ng LGBT sa lugar na nagsagawa ng volleyball tournament bago pa man ang pagsabog.
Maaari rin aniyang may kinalaman iyon sa Pulitika dahil sa itinuturing “Hotspot” ang naturang bayan tuwing may halalan.
8 ang naitalang sugatan sa nangyaring pagsabog kaya naman nakikipag-ugnayan ang Militar sa Pulisya para tugisin ang mga nasa likod ng insidente. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)