Mahigpit nang ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Siargao ang pagsasagawa ng party sa bayan ng General Luna.
Ito’y matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente ng umano’y kabi-kabilang party kasunod ng pagbubukas ng lugar sa mga turista.
Ayon kay Arcely Gallentes, Municipal Tourism Officer, bagama’t pinayagan nang makapasok ang mga byahero mula sa Metro Manila, mahigpit pa ring ipinatutupad ang liquor ban at mga pagsasagawa ng party at videoke.
Umiiral din aniya ang curfew hour mula 9pm hanggang 5am.
Tiniyak naman ni Gallentes na may mga pulis nang magro-ronda upang masigurong sumusunod ang mga residente at turista sa mga ipinatutupad na panuntunan.