Naramdaman sa Metro Manila ang magnitude 5.7 na lindol sa Looc, Occidental Mindoro kaninang ala-1:12 ng madaling araw.
Ayon sa PHIVOLCS, namataan ang pagyanig sa layong 0.23km ng hilaga at 50 degrees silangang bahagi ng nabanggit na lugar.
May lalim na 74km ang pagyanig at tectonic ang origin o pinagmulan nito.
Naramdaman ang intensity 5 sa Tagaytay City, Amadeo at Cavite.
Intensity 4 naman sa Malolos City at Obando sa Bulacan; General Trias at Tanza sa Cavite; San Juan City, lungsod ng Maynila, Marikina City at San Mateo, Rizal.
Intensity 3 naman sa Pasig City, Makati City, Valenzuela City at Antipolo City sa Rizal.
Bukod pa dito, nakaramdam din ng intensity ang bahagi ng Palayan City, Nueva Ecija.
Samantala, nasundan pa ng magnitude 4.5 na lindol ang naturang lugar na may lalim naman na 65km.
Dahil dito, nagpaalala ang PHIVOLCS, na manatiling nakaalerto sa posible pang mga aftershocks. —sa panulat ni Angelica Doctolero