Wala pang nakikitang datos ang gobyerno upang suportahan ang panawagan na ibaba na sa level 3 ang COVID-19 alert status sa National Capital Region, ngayong linggo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, maaari namang magbago ang alert level pero kailangan pa ng karagdagang batayan upang ibaba ito.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng alert 4 ang NCR hanggang Huwebes, Setyembre 30.
Noong isang linggo ay nakapag-ulat ang DOH ng 4,347 coronavirus infections sa metro manila sa isang araw kumpara sa peak na 5,714 daily cases mula Setyembre 5 hanggang 11,
Gayunman, bumaba ng 37,000 hanggang 248,000 ang output ng testing laboratories noong nakaraang linggo kaya’t nakikipag-ugnayan na ang DOH sa local government units upang mabatid ang dahilan nito. —sa panulat ni Drew Nacino