Tiniyak ng Malakaniyang na hindi kikilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pharmally Pharmaceutical Corporation kapag napatunayang totoo ang sinasabing “nakaugalian” nang pagpapalit ng expiration date ng medical grade face shields.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangan lang patunayan na pawang katotohanan ang mga sinasabing pandaraya sa manufacturing date at tiyak hindi ito kukunsintihin ng Pangulo.
Dagdag pa ni Roque, mahalagang aniyang makapag prisinta ng mga patunay o ebidensya para suportahan ang mga sinasabi ni Pharmally Official Krizle Grace Mago upang makita kung titindig sa argumento ang mga sinabi nito.
Magugunitang kamakailan ay inamin ni Mago sa Senate Blue Ribbon Committee Hearing na pinapalitan nila ang expiration dates para sa face shields na binili ng pamahalaan para sa mga medical frontliner.