Wala pang ebidensya na mag-uugnay kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bong Go sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, sa ngayon ang nauugnay sa Pharmally ay si Michael Yang, ang kaibigan at dating economic adviser ng Pangulo.
Maaari anyang magkaroon ng espekulasyon sa kaugnayan ni Pangulong Duterte dahil matagal na itong kaibigan ni Yang subalit kailangan ay ebidensya na magpapatunay nito.
Gayunman, kinuwestyon ng Senador ang pagdepensa ng Pangulo sa mga taong sangkot sa kontrobersya kapag humaharap sa kanyang talk to the people.
Binatikos din ng mambabatas ang mga miyembro ng kamara na bumabanat sa imbestigasyon ng Senado at nagsagawa rin ng sariling hearing sa Pharmally upang protektahan ang interes ng Malakanyang.
Binalewala na anya ng mababang kapulungan ng Kongreso ang inter-parliamentary courtesy o ang dapat na paggalang ng Senado at kamara sa isa’t isa.—sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)