Nasabi at nagawa na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang punto hinggil sa transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa gobyerno kaya’t mas mabuting hayaan na niyang magpatuloy ang imbestigasyon.
Ayon ito kay Senador Francis Tolentino matapos ihayag na nais niyang hikayatin ang Pangulong Duterte na tigilan na ang pagtatanggol sa mga kaibigang nauugnay sa multi-bilyong pisong kontrata ng gobyerno sa pharmally corporation.
Gayunman, nilinaw ni Tolenito na hindi dapat ituring na tolerance o pagkunsinti sa katiwalian at pagtutol sa imbestigasyon ang pagdepensa ng Pangulo sa itinuturing niyang mga kaibigan na pagpapakita lamang kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaibigan na maituturing namang human nature.
Sa harap naman palitan ng batikos ng Pangulo at ilang senador na nag-iimbestiga sa isyu, sinabi ni Tolentino na dapat pahalagahan ang separation of powers ng ehekutibo at lehislatura at dapat mag-respetuhan ang isat isa.—mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)