Ayaw pangunahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibilidad na maging substitute candidate si Davao City Mayor Rudy Duterte makaraang mag-withdraw sa presidential race ang kapartidong si Volunteers Against Crime and Corruption o VACC Chairman Martin Diño.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, pag-aaralan lamang nila ito sa sandaling mayroon nang maghain ng aplikasyon para maging substitute candidate ni Diño.
Umiwas na si Bautista na mag komento kung paano nangyaring nagkamali si Diño ng paglalagay ng posisyong tatakbuhan gayung pagkapangulo ang malinaw nyang tatakbuhan.
Matatandaan na nagpasya si Diño na umurong na makaraang makita na ang inilagay nilang posisyong tatakbuhan sa inihaing COC ay para sa pagka-alkalde ng Pasay City.
“Well maliwanag po sa aming mga reglamento na for a valid substitution to happen, it can only happen if it’s within the party, yung magwi-withdraw talagang kusang loob na magwi-withdraw, at yung magsu-substitute kailangang kusang loob na mag-file ng kanyang certificate of candidacy.” Ani Bautista.
Debate
Walang kapangyarihan ang Commission on Elections na pilitin ang mga presidential at vice presidential candidates na lumahok sa ikinasang debate ng komisyon.
Ayon kay COMELEC Chairman Andy Bautista, mamamayan na ang huhusga sa mga kandidato na ayaw humarap sa debate ng mga isyung bumabalot ngayon sa bansa.
Una nang ikinasa ng COMELEC ang mga petsa ng presidential debate sa February 24 para sa Mindanao na pangangasiwaan ng GMA 7 at Inquirer, susundan ng debate sa Visayas sa March 20 na pangangasiwaan naman ng TV 5 at Philippine Star at April 24 sa Luzon na pangangasiwaan ng ABS CBN at Manila Bulletin.
Ang DWIZ, CNN Philippines at Business Mirror naman ang mangangasiwa sa nag-iisang vice presidential debate na gaganapin sa Metro Manila sa April 10.
“Wala eh hindi mo puwedeng pilitin, pero sabi ko nga ang hindi nila pagdalo ay mensahe na din at kumbaga hayaan ang taong bayan ang maghusga kung sa tingin nila ay tama ang aksyon na ginawa ng isang kandidato.” Pahayag ni Bautista.
By Len Aguirre | Karambola