Isinapubliko na ang “Pandora Papers” na naglalaman ng milyun-milyong dokumento kaugnay sa offshore account ng mga world leader, business tycoon at iba pang kilalang personalidad.
Siniyasat ng nasa 600 investigative journalist ang mga dokumento na nagmula sa offshore service providerstulad ng trident trust, commence overseas limited at overseas management company trust limited.
Kabilang sa mga lumitaw na may offshore account sa trident si Transportation Secretary Arthur Tugade at dating COMELEC Chairman Andres Bautista.
Simula noong 2007, si Tugade at kanyang mga anak ang beneficial owners ng solart holdings limited, na isang British virgin islands company, na nilikha para sa kinikita ng family-owned Perry’s group of companies, na kumita umano ng 1.5 milyong dolyar.
Hindi umano naka-deklara ang naturang offshore entity sa listahan ng mga negosyo ni Tugade sa kanyang taunang statement of assets, liabilities and net worth.
Lumitaw din sa trident record si Bautista, bilang Incorporator ng Baumann Enterprises limited, na ini-rehistro rin sa British Virgin islands noong 2010 at ini-re-incorporatenoong 2017.
Noon ding 2017 nadiskubre ng dating asawa ni Bautista, na si Patricia, ang mga passbook at dokumento ng mister na naglalaman ng nasa P1 bilyong undeclared wealth at bago matapos ang taon ay nagbitiw sa pwesto ang poll official.—sa panulat ni Drew Nacino