Umalma ang kampo ni dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior sa kumalat na emergency alert text blast na sumusuporta sa kanyang kandidatura sa 2022 Presidential elections.
Kahapon ng umaga nang makatanggap ang ilang kalapit na establisyimento ng Sofitel hotel tent sa Pasay ng text blast kaugnay kay marcos kasabay ng kanyang paghahain ng Certificate of Candidacy.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, Chief of Staff ni Marcos, hindi galing sa kanila ang mga ipinadalang emergency alert at ito ay bahagi umano ng demolition job laban kay B.B.M., ng mga kontra sa kanyang kandidatura.
Kahit anya ang pamilya ng dating Senador ay nakatanggap ng nasabing mensahe.
Iginiit ni Rodriguez na hindi dapat gamitin ng sinumang grupo sa pulitika ang emergency alert text ng gobyerno na ang tunay na layunin ay bigyang babala ang publiko sa mga paparating na kalamidad. —sa panulat ni Drew Nacino