Hindi nagsasawa ang Commission on Elections (COMELEC) sa paalala sa mga naghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 elections, na iwasan ang pagdadala ng entourage sa filing ng kanilang kandidatura.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, sa katunayan ay hindi na kailangan pang ulitin sa mga tatakbo sa halalan, lalo sa mga national candidate, ang paalala bagkus ay dapat magkusa na ang mga ito.
Nasa gitna anya ang ng COVID-19 pandemic ang bansa maging ang mundo at kahit pakiramdam nila ay normal na ang sitwasyon ay hindi dapat ilagay ng mga kandidato sa alanganin ang kaligtasan ng iba.
Ipinunto ni Jimenez na bagaman sa filing venue lamang epektibo ang COMELEC guidelines, ang paghahakot ng supporters ay paglabag naman sa rules of common sense, na sa kanyang tingin ay may katapat na parusa.
Magtatapos bukas, Oktubre 8, ang paghahain ng COC pero iginiit ng poll body na iwasang humabol sa deadline hangga’t maaari. —sa panulat ni Drew Nacino