Posibleng magdulot ng diskriminasyon ang pagpapatupad ng restriksyon sa mga hindi pa bakunado na indibidwal kontra COVID-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring isa itong diskriminasyon sa mga indibidwal na walang access sa bakuna o kaya may problema sa kalusugan.
Ang naturang pahayag ay matapos ang naging hirit ng mga business at private sektor na patawan ng restriksyon ang galaw ng mga hindi pa nababakunahan na indibidwal.
Giit ni Vergeire, mayorya pa naman ng mga Pilipino sa bansa ay hindi pa bakunado.
Gayunpaman, hinihikayat ng kagawaran ang lahat na magpabakuna na kontra COVID-19 at patuloy na sundin ang mga ipinatutupad na mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa bansa.