Kinumpirma ng Philippine National Police o PNP na hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang mga dokumentong isinumite ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Ito’y may kaugnayan sa sandamukal na paglabag ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA sa karapatang pantao gayundin sa International Humanitarian Law.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, aabot sa 1,672 mga kaso at paglabag sa karapatang pantao ng mga komunistang terrorista mula pa noong taong 2010 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang dito ang paggamit sa mga child warrior, pagpatay, paninira ng mga kagamitang sibilyan, paggamit sa mga anti personnel mines at iba pa.
Patunay lang ito ani Eleazar na matibay ang ugnayan ng pamahalaan para labanan ang pamamayagpag ng mga komunista na deka-dekada nang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Una nang sinampahan ng CIDG ng patumpatong na kaso si CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison sa pagrerecruit nito sa mga kabataan para sumali sa kilusan na nagsisimula sa mga student organizations na nabistong legal front pala ng mga komunista.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)