Sasampahan ng kaukulang kaso at hindi mangingimi ang Philippine National Police (PNP) na ipakulong ang sinumang kandidatong magbibigay ng ‘permit to campaign fee’ sa mga komunista.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, ang pakikipagsabwatan sa mga rebelde ay patunay lang na hindi karapat-dapat humawak ng anumang puwesto sa gobyerno ang isang kandidato dahil isa itong malinaw pagtataksil sa bayan.
Ipinaalala rin ng PNP Chief na kandidato man o sibilyan ay maaaring sampahan ng kaukulang kaso tulad ng paglabag sa Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 ngayong nakalagay na sa listahan ng mga terrorista ang NPA. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)