Patay sa pamamaril ang isang pulis sa 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, Barangay Sta. Maria, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang biktimang nabaril na si Police Patrolman James Canceran, 32-anyos habang kinilala naman ang pulis na nakabaril na si Patrolman Joshua Cebo, 24-anyos.
Sa imbestigasyon, parehong nasa loob ng Dupax Del Sur Police Station Barracks ang dalawang pulis kung saan, nakaupo ang biktima habang naghahanda naman ang suspek sa kaniyang pagpasok nang aksidenteng makalabit nito ang gatilyo ng baril.
Dito na tinamaan ang biktima na sinasabing ka-buddy at kaibigan ng suspek.
Mabilis namang isinugod sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital pero idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician dahil sa natamong tama ng bala ng baril sa tiyan na tumagos sa kanyang leeg.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na pulis at planong isailalim sa paraffin test at inquest proceedings. —sa panulat ni Angelica Doctolero