Inaprubahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang dissmissal order laban kay P/SMSgt. Christopher Salcedo, ang pulis na nakabaril at nakapatay sa binatilyong si Erwin Arnigo na may problema sa pag-iisip sa Valenzuela City noong Mayo.
Ayon kay Eleazar, kaniyang ipinag-utos na tanggalin na sa kanilang hanay si Salcedo matapos ang ginawang review ng Discipline, Law and Order Division na nasa ilalim ng Directorate for Personnel and Records Management sa rekumendasyon ng Internal Affairs Service (IAS).
Magugunitang pinatawan lamang ng IAS ng 40 araw na suspensyon si Salcedo bagay na inalmahan naman ng pamilya Arnigo.
Gayunman, lusot sa mga kasong administratibo tulad ng grave neglect of duty at less grave neglect of duty ang apat pang kasamahan ni Salcedo sa ikinasang anti-illegal gambling operations sa lungsod noong Mayo ng nakalipas na taon kung saan nabaril at napatay si Arnigo.